Dinastiya ng mga Tudor
Ang Dinastiya ng mga Tudor ay isang magkakasunod na mga hari at mga reyna ng Inglatera. Ang guhit ng mga pinunong ito ay nagsimula noong 1485 at nagtagal hanggang 1603. Tinatawag ding Kabahayan ng Tudor o Angkan ng mga Tudor, isa itong maharlikang kabahayan o maharlikang angkan na nagmula sa mga taong Welsh sa Europa.[1] na nagbuhat kay Prinsipe Rhys ap Tewdwr na namuno sa Kaharian ng Inglatera at sa mga nasasakupan nito, kabilang na ang Kapanginoonan ng Irlanda, na pagdaka ay naging Kaharian ng Irlanda, magmula 1485 hanggang 1603. Ang unang monarka nito ay si Henry VII, isang pinag-apuhan (inapo) sa pamamagitan ng kaniyang ina ng isang naging lehitimong sangay ng maharlikang Kabahayan ng Lancaster sa Inglatera. Ang mag-anak na Tudor ay bumangon at naging makapangyarihan pagkatapos ng Mga Digmaan ng mga Rosas, na lumisan mula sa Kabahayan ng Lancaster, kung saan nakaanib ang mga Tudor, at naging hindi na umiiral.
Nailunsad ni Henry Tudor ang kaniyang sarili bilang isang kandidato hindi lamang dahil sa mga tradisyunal na tagasuporta ng mga Lancaster (mga Lancastriano), subalit dahil na rin sa mga hindi na nasisiyahang mga tagapagtangkilik ng katunggali nilang Kabahayan ng York, at umangat upang maangkin ang trono mula sa labanan, upang maging si Henry VII. Ang kaniyang tagumpay ay napalakas pa ng pagkakakasal niya kay Elizabeth ng York, na isang sagisag ng pag-iisa ng dating nag-aalitang mga pangkat sa ilalim ng isang bagong dinastiya. Ang kapangyarihan ng mga Tudor ay sumaklaw at lumampas pa sa modernong Inglatera, na nagpakamit ng buong pagkakaisa ng Inglatera at ng Prinsipalidad ng Wales noong 1542 (Mga Batas hinggil sa Batas ng Wales 1535-1542); at matagumpay na ipahayag ang kapangyarihang Ingles sa Kaharian ng Irlanda. Napanatili rin nila ang nakaugaliang (sa turing kumbaga) pag-angkin sa Kaharian ng Pransiya, subalit wala sa kanila ang nagtangka na bigyang saysay ito, bagaman nakipaglaban si Henry VIII sa mga digmaan laban sa Pransiya upang subuking angkining muli ang titulo. Pagkaraan niya, natalo sa pag-angkin ng Pransiya ang kaniyang anak na babaeng si Mary I nang magpasawalang-hanggan dahil sa pagbagsak ng Calais noong 1558.
Sa kabuoan, limang mga monarkang Tudor ang namuno sa kanilang mga nasasakupan sa loob lamang ng mahigit sa isang daantaon. Si Henry VIII ng Inglatera ang tanging tagapagmana mula sa guhit ng salinlahi ng kalalakihan na nagmula kay Henry VII na nabuhay hanggang sa edad ng kahustuhan ng gulang. Ang mga suliranin hinggil sa paghahaliling pangmaharlika (kabilang na ang kasal at ang karapatang humalili ng kababaihan) ang naging pangunahing mga temang pampolitika noong kapanahunan ng mga Tudor. Naging makapangyarihan ang Kabahayan ng Stuart noong 1603 nang nabigo ang guhit na pangsalinlahi ng mga Tudor, dahil namatay si Elizabeth I na walang supling. Hindi nagustuhan ng mga namunong Tudor ang katagang "Tudor" (dahil sa ang unang Tudor ay mula sa mababang lahi), at hindi ito gaanong ginamit bago ang pagsapit ng ika-18 daantaon.[2]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ http://www.britannica.com/EBchecked/topic/608456/House-of-Tudor House of Tudor. (2010). Nasa Encyclopædia Britannica. Nakuha noong 6 Marso 2010, mula sa Encyclopædia Britannica Online
- ↑ C.S.L. Davis, "Tudor: What's in a Name?" History (Jan. 2012) Volume 97, Issue 325, pp 24–42, nasa Internet