(Translated by https://www.hiragana.jp/)
Jose Hontiveros - Wikipedia, ang malayang ensiklopedya Pumunta sa nilalaman

Jose Hontiveros

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Jose M. Hontiveros
Senador ng Pilipinas mula sa Ika-7 Distrito
Nasa puwesto
6 June 1922 – 5 June 1928
Nagsisilbi kasama ni José María Arroyo
Jose Ledesma
Nakaraang sinundanJose Altavas
Sinundan niAntonio Belo
Gobernador ng Capiz
Nasa puwesto
1916–1919
Nakaraang sinundanJose Altavas
Sinundan niManuel Roxas
Associate Justice of the Supreme Court of the Philippines
Nasa puwesto
25 June 1946 – 16 October 1947
Appointed byManuel Roxas
Nakaraang sinundanDelfin Jaranilla
Sinundan niFernando Jugo
Personal na detalye
Isinilang19 Marso 1889(1889-03-19)
Tangalan, Capiz, Captaincy General of the Philippines
Yumao21 Mayo 1954(1954-05-21) (edad 65)
Maynila, Pilipinas
HimlayanLoyola Memorial Park, Marikina
Partidong pampolitikaDemócrata
RelasyonJose Mari Avellana (apo)
Maan Hontiveros (apo)
Risa Hontiveros (apo)
Pia Hontiveros (apo)
Allan Cosio (manugang na apo)
AnakDaisy Avellana (anak)
Eduardo Hontiveros (anak)
Nita Hontiveros-Lichauco (anak)
Lamberto Avellana (manugang)
Alejandro Lichauco (manugang)
Alma materUnibersidad ng Santo Tomas

Si Jose Maria Miraflores Hontiveros (19 Marso 1889 - 21 Mayo 1954) pagbigkas sa Tagalog: [hɔˈsɛ ɔntɪˈvɛrɔs] ay isang Pilipinong abogado, hurado at politiko na naging Senador ng Pamahalaang Insular ng mga Pulo ng Pilipinas [1] ; isang delegado ng Kumbensyong Konstitusyonal ng 1934 na bumalangkas sa Konstitusyon ng Komonwelt ng Pilipinas ng 1935[2] at isang Mahistrado ng Korte Suprema ng Ikatlong Republika ng Pilipinas . [3]

Siya ang ama ng Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Teatro at Pelikula na si Daisy Hontiveros-Avellana, Pilipinong Heswitang kompositor, musikero at pinagkalooban ng Medalya ng Merito ng Pangulo na si Eduardo Hontiveros at ng tagapagtatag at Pangulo ng Kapisanan para sa Kapakanan ng mga Hayop sa Pilipinas, Nita Hontiveros-Lichauco . Siya rin ang lolo ng aktor at direktor na si Jose Mari Avellana, tagatanghal pangtelebisyon, mamamahayag at negosyante na si Maan Hontiveros, politiko na si Risa Hontiveros at mamamahayag na si Pia Hontiveros .

Maagang buhay at edukasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Hontiveros ay ipinanganak bilang José María Isturis Miraflores Hontiveros sa Tangalan, Capiz (ngayon ay bahagi ng Aklan ) noong 19 Marso 1889 kina Leon Hontiveros at Genoveva Miraflores. [1] Nag-aral siya sa Colegio de Nuestra Señora del Rosario sa Kalibo (nagtapos ng 1901), sa Mataas na Paaralan ng Liceo de Manila (nagtapos ng 1905) at tumanggap ng kanyang Batsilyer ng Batas mula sa Unibersidad ng Santo Tomas, [4] kung saan siya nagtapos bilang cum laude noong 1911 sa edad na 22 at nanguna sa pagsusuri ng bar sa parehong taon,[3] kung saan sya ay nakatanggap ng 98% na grado sa pagsusulit. [5] Sa kasalukuyan, siya pa rin ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa lahat ng mga nakakuha ng pinakamataas na puntos sa kanya-kanyang taon sa pagsusulit ng bar sa Pilipinas mula noong unang pagsusuri ng bar na binigay noong 1901.[6]

Batas at hudisyal na karera

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bilang abogado, tinanggap ni Hontiveros ang mga kaso ng mahihirap, nang walang bayad. Nagsasanay siya ng kanyang propesyon nang mapansin ng administrasyong Amerikano ang kanyang tagumpay, at inialok sa kanya ang katungkulan bilang Mahistrado ng Kapayapaan ng Capiz noong 1913. Siya rin ay hinirang na Hukom Pangmunisipyo ng Antique, Iloilo, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental at Zamboanga .

Matapos magsilbi sa kanyang termino bilang Gobernador ng Capiz noong 1919, bumalik siya sa kanyang pagsasanay ng propesyon at sumali sa kasa ng abogasya ng Montinola at Hontiveros, kung saan si Ruperto Montinola - "ang Higante ng Katimugan" ang nakatataas na kabakas; hanggang 1924.

Matapos magsilbi sa kanyang termino bilang Senador ng Pilipinas noong 1928, bumuo siya ng sarili niyang kasa ng abogasya, kung saan kinuha niya ang dalawang natatanging dalubhasa, sina Abeto at Tirol, bilang mga kasosyo.

Tinanggap ni Hontiveros ang katungkulan bilang Pantulong na Hukom ng Hukumang Unang Dulugan noong 1929. Kalaunan ay naitaas ang kanyang ranggo sa posisyon ng pagmamay-ari ng hukuman, na dumating pagkatapos ng dalawang taon, nang siya ay pinangalanan sa ika-19 na distritong panghukuman at noong 1933 sa ika-22 na distritong panghukuman.

Makasaysayang Muhon na itinalaga para sa Unang Gabinete ng Pangulo at Unang Korte Suprema ng Pilipinas

Humawak siya ng ilang posisyon sa hudikatura bago itinalaga bilang Kabakas na Mahistrado ng Hukuman ng Pag-aapela noong 1936. Naglingkod siya hanggang 1946, nang siya ay hinirang ni Pangulong Manuel Roxas na maging Kabakas na Mahistrado ng Korte Suprema, at naging bahagi ng Unang Korte Suprema ng Pilipinas pagkatapos nitong makamit ang ganap na kalayaan mula sa Estados Unidos noong Hulyo 4, 1946. Nagretiro siya nang sumunod na taon. [3]

Karera sa politika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos mapatunayang matagumpay sa mga korte, ang noon ay 27 taong-gulang na si Hontiveros ay hinimok ng mga tao sa kanyang lalawigan na tumakbo bilang Gobernador ng Capiz, isang posisyon na kanyang pinaglingkuran mula 1916 hanggang 1919. [7] Siya ang unang gobernador na Aklanon ng Capiz. Sa kanyang termino, inilaan niya ang kanyang oras at pagsisikap sa pagpapabuti ng kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya ng kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng paggawa ng mga kalsada na nag-uugnay sa mga bayan sa kabisera ng probinsiya, paggawa ng mga gusali ng pamahalaan para sa mga paaralan at pamilihan, gayundin ng mga tulay.

Matapos maglingkod bilang Gobernador, bumalik siya sa pagiging manananggol na umabot sa mga lalawigang nakapalibot sa Capiz kung saan siya ay nakakuha ng katanyagan at kabantugan. Noong 1922, siya ay isinulong na tumakbo bilang senador at nahalal sa Senado ng Pilipinas bilang Senador mula sa Ika-7 Distritong Pangsenado [8], na binubuo ng mga probinsya ng Iloilo, Capiz at Romblon, at nagsilbi hanggang 1928. [1]

Siya ay nahalal na delegado ng Ika-3 Distrito ng Capiz sa Kumbensiyong Konstitusyonal ng Pilipinas ng 1934 [2] at naging aktibong bahagi sa pagbalangkas ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1935 Naka-arkibo 2017-06-25 sa Wayback Machine. para sa pamahalaan ng Kómonwélt ng Pilipinas, isang dating teritoryo ng Estados Unidos . Dahil sa kanyang pagiging eskolar at katalinuhang legalistiko, siya ay pinangalanan bilang Tagapangulo ng Lupon para sa Kapangyarihang Panghudikatura at may ranggong miyembro ng Lupon para sa Garantiya at Pag-akdang Konstitusyonal. Siya rin ay miyembro ng Lupon ng Pag-istilo.

Pagkakulong sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, si Hontiveros ay dinampot, ikinulong at tinanong sa Kutang Santiago ng mga sundalong Hapones na naghahanap ng impormasyon sa kinaroroonan ng kanyang mga anak na bahagi ng mga sumasanggalang na mga gerilya. Na-atakeng serebral si Hontiveros bago siya makulong kaya't upang manatiling tuwid, ang kanyang dalawang bunsong anak ay nanatili sa kanya, nakaupo nang nakatalikod sa kanya upang masasandalan niya sila, lahat sa sahig sa isang maliit na selda kasama ang ilan pang mga bihag.

Buhay pamilya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Hontiveros ay ikinasal sa biyolinistang si Vicenta Ruiz Pardo, at nagkaroon ng sampung anak. Sa kanilang mga supling, ang kanilang panganay na anak na si Daisy Hontiveros-Avellana, ay naging isang sikat na artista sa teatro at direktor, at ginawaran ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro. Si Eduardo Hontiveros, ang kanilang ikaanim na anak, ay naging paring Heswita at kinilala bilang Ama ng Liturhical na Musikang Pilipino, at pinagkalooban ng Medalya ng Merito ng Pangulo . Ang kanilang ikawalong anak, si Nita Hontiveros-Lichauco, ay nagtatag at naging Pangulo ng Kapisanan para sa Kapakanan ng mga Hayop sa Pilipinas, ang pangunahing organisasyong di-pampamahalaan para sa kapakanan ng hayop sa bansa at sa kalaunan ay kinilala bilang Ina ng Kapakanan ng Hayop sa Pilipinas.

Kabilang sa mga kilalang manugang ni Hontiveros ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula na si Lamberto Avellana at ang abogado at ekonomista na nakapag-tapos są Harvard na si Alejandro Lichauco, na nahalal na delegado ng Unang Distrito ng Rizal sa Kumbensyong Konsitusyonal ng 1971 [2] (na noon ay tinawag upang baguhin ang 1935 Konstitusyon ng Pilipinas, na naging bahagi si Hontiveros sa pag-balangkas).

Kabilang sa iba pang kilalang miyembro ng kanyang pamilya ang kanyang mga apo: aktor at direktor na si Jose Mari Avellana; tagatanghal pangtelebisyon, mamamahayag at negosyante na si Maan Hontiveros; manunulat at nagwagi ng Gawad Palanca na si David Hontiveros; mamamahayag at estadista na si Risa Hontiveros (na naging Senador tulad niya), mamamahayag na si Pia Hontiveros (punong tagapagbalita ng CNN Philippines ), at apo na manugang: pintor, iskultor at ginawaran ng Chevalier de l'Ordre des Arts et des Lettres - na manglilikha Allan Cosio .

Kabilang sa kanyang mga apo sa tuhod ang mang-aawit na si Barbie Almalbis at ang aktor-modelo na si Luis Hontiveros .

Siya ay namatay noong ika-21 ng Mayo 1954 sa Ospital ng Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila matapos dumanas ng ikalawang atakeng serebral.[3] Sya ay inihimlay sa Parkeng Memoryal ng Loyola sa Marikina.

Noong ika- 21 ng Hunyo 1969, naaprubahan ang Republic Act No. 5602, na pumapalit sa pangalan ng Mababang Paaralan ng Loctugan sa Lungsod ng Roxas at ginawa itong Mababang Paaralan ng Jose Hontiveros.[9]

Noong ika-7 ng Marso 1984, sa Bisa ng Batas Pambansa Blg. 671, pinalitan ang pangalan ng Mababang Paaralan ng Tangalan sa Munisipalidad ng Tangalan, sa Probinsya ng Aklan at ginawa itong Mababang Paaralan ng Pag-gunita kay Mahistrado Jose Hontiveros.[10]

Noong ika-29 ng Nobiembre 1989, ang Republic Act No. 6773 na pumapalit sa pangalan ng Mababang Paaralan ng Candual sa Barangay Candual, Munisipalidad ng Panay, sa Probinsya ng Capiz bilang Mababang Paaralan ng Pag-gunita kay Mahistrado Jose Hontiveros ay isinabatas ng Republika.[11]

Ilang lansangan sa Pilipinas ay ipinangalan din sa kanya bilang parangal kay Hontiveros.[12]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 "Jose M. Hontiveros". Senate of the Philippines. Nakuha noong 1 Hunyo 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 "Senate Resolution No. 585 | Honoring and Commemorating the Delegates to the Constitutional Conventions PDF File" (PDF). Senate of the Philippines.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 "Associate Justice Jose Hontiveros". Supreme Court of the Philippines. Nakuha noong 1 Hunyo 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Supreme Court E-Library (Nobyembre 29, 2023). "Associate Justice". Supreme Court E-Library.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Justice Jose Hontiveros obtained a grade of 98% in 1911. See "Profiles of Chief Justices and Associate Justices," p. 146.
  6. See "Top 100 Overall scorers" table under "Bar Topnotchers" tab in Philippine Bar Examinations wikipedia page showing comparison of scores from all topnotchers from 1901 to present time.
  7. "Brief History of the Province of Capiz - Capiz Governors (1901 - to date)". capiz.gov.ph.
  8. "List of Previous Senators (Sixth Legislature | Seventh Legislature)". Senate of the Philippines.
  9. "Republic Act No. 5602". The LawPhil Project, Arellano Law Foundation. 21 Hunyo 1969.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Batas Pambansa Blg 671". The LawPhil Project, Arellano Law Foundation. Marso 7, 1984.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Republic Act No. 6773". Official Gazette. Nobyembre 29, 1989.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  12. See "J. Hontiveros Street" in B.F. Homes Subdivision in Holy Spirit Quezon City and in Poblacion, Muntinlupa on Google Maps